Isa na naman itong Hamon sa ating LAHI. Handa ba nating tayaan at tayuan ito? Wala ng ibang lilinis sa pangalan ng Pilipinas kungdi tayong mga simpleng Pilipino. Hindi man natin kayang burahin... sama-sama nating tubusin ang karangalan ng bansa. Oo nga at maraming namatay, dugong dumaloy at luhang iniiyak. Ang totoo, hindi lang naman ang mga chino ang biktima dito pero tayo ding mga Pilipino. Biktima tayo ng mga maling pag-iisip, maling takbuhin ng puso at maling sistema. Pero hindi dahilan ang pagiging biktima para manatili tayong ganito. Huwag nating ikulong ang ating mga sarili at huwag tayong tumigil o makuntento sa mga bulok na pamamaraan. Kumilos tayo at palayain natin ang mga utak at puso nating nakagapos pa din sa ideya ng kolonyalismo.
Hindi lang din sila ang namatayan, namatay din ang mga pagkakataong maaari nating maipakita ang kagandahan ng Pilipinas. Ilang taon na naman ang bubunuin natin para hanguin ang ating mga sarili sa pagka-sadlak. Ngunit walang buhay, dugo at luha ang dapat masayang. Kailangan nating gumising at matuto. Gawing leksyon ang nangyari para bumawi sa mga nasawi. Gawing oportunidad ang mga nangyari para suriin kung saan tayo nagkulang at nagkamali.
Saan ba tayo magsisimula at paano? Sa tingin ko, ang tanging magagawa natin ay maging pinakamagagaling sa ating mga larangan, maging positibong ehemplo, maging "panalo" na PILIPINO. Utang natin ito sa kanilang mga naagrabyado ngunit higit sa lahat utang natin ito sa ating mga sarili. Hindi mahalaga kung ilang tao ang panghahawakan ang responsibilidad na ito pero isa-isa man kapag pinagsama may mabuting maibubunga pa rin. Maaring isiping madilim at imposible ang tatahakin nating daan para maibalik ang narumihang dangal ng Pilipinas pero alam ko na mapagtatagumpayan natin ang laban na ito. Mahirap kung sa mahirap pero walang mahirap na bagay kung para sa mas malaking larawan.
Pinapanalangin at pinapangarap kong dumating ang araw na ang tingin ng iba ay mabago, na kapag sinabing Pilipinas ang papasok sa isip nila... ito yung bansa at lahing pinakamahusay sa mundo. Sa tulong ng Diyos, alam ko darating yung araw na iyon. Kahit kalunos-lunos ang mga nangyari hindi ako titigil sa pag-asa at paniniwala sa kakayahan ng mga pinoy na umangat! May pag-asa pa! Marami pa ang dapat gawin at yan ay sisimulan natin! *jaiche082310*
0 comments:
Post a Comment