Ilang linggo na ang nakalipas mula ng maganap ang hostage sa Quirino Grandstand malamang karamihan sa atin nakalimutan o naisantabi na ang alaala na ito. Pero ako? Hindi. Ayokong alisin sa isip ko ang mga nangyari noong gabing ‘yon. Naaalala ko pa kung paano nabaha ng kumento ang facebook account ko. Ilang tao ang nadismaya nang mapanuod ang palpak na pagresponde ng kapulisan habang nanunuod ang buong mundo.
Tila isang bangungot ang gabing ‘yon. Napanuod natin on live TV ang repleksyon ng Pilipinas. Mabilis pa sa alas kwarto ng magalit at sisihin natin ang PNP, SWAT, Media at lahat ng otoridad na nakatalaga doon. Sa totoo lang, hindi ba natin nakita
ang mga sarili natin sa kanila? Hindi mo ba naisip na parang ikaw din si Capt. Mendoza− desperado at handang manakit ng ibang tao mabigyan lamang ng pagkakataon na maipaglaban ang gusto nyang mangyari? O ang SWAT na kulang sa training, mahina ang loob, walang kumpyansa sa sarili at mahina ang diskarte? Pwede din na tulad ng media na makukulit, hindi marunong sumunod sa dapat at ipinipilit ang gusto kahit na ikapahamak pa ng ibang tao. O ang mga lider na sumusubaysay sa malayo, maaring apektado pero detached at walang konkretong ginagawa? AKO YUN! IKAW YUN! TAYO YUN, kahit ano man ang reaksyon natin sa nangyari.
Magaling tayong magturo, magpasa ng responsibilidad pero ganun din naman tayo sa kanila. Sabi ng marami napaka-incompetent, palpak at duwag ang SWAT. Dapat mas mabilis, mas may inisyatibo, mas magaling at lahat pa ng “mas”… Madali
ng sabihin kasi hindi tayo yung nasa lugar nila. Pero, ikaw? Natanong mo na ba sa sarili mo kung competent ka? Kung deserving ka sa posisyon mo? Ekselente ka ba sa mga ginagawa mo at may panalong work ethic? O kagaya ka din ba ng karamihan na Akinse-atrenta lang ang nasa isip? Marami naman talaga sa atin na nakakulong pa din sa “bahala na” at “pwede na yan” na mga sistema. Huwag tayong magturo, tigilan na atin ang pagsisi sa kanila. Isipin mo muna kung ikaw ba sa sarili mo magaling at panalo na sa larangan mo. Isipin muna natin kung parte ba tayo ng solusyon o karagdagang pasanin at problema lang ng bansa.
Tama na ang pagkanya-kanya. Sama-sama tayong mag-isip ng mga paraan kung paano magiging mas mabuting mamamayan. Tama na ang pag-iisip natin sa sarili natin at sa ating pamilya lamang. Huwag nating limitahan ang sarili natin sa paggawa ng mga bagay na tayo lang ang may pakinabang. Liitan natin ang tingin sa ating mga sariling ginhawa para lumawak ang kaisipan at maging bukas ang pag-iisip sa pagpasan ng responsibilidad na mas pagbutihin ang pagiging Pilipino para sa Pilipinas.
Ang pagiging Pilipino ay hindi sala sa lamig, sala sa init. Masaya at ipinagmamalaki mo ang lahi mo ‘pag nanalo si Manny Pacquiao at may major major success sa Ms. Universe. Pero halos gusto mo ng lamunin ng lupa at itakwil ang pagka-pinoy noong may Ampatuan massacre, stampede, mga nahuhulog na bus at kapag may hostage taking. Ayaw mo man ng kulay mo o ng mga nangyayari sa bansa natin… PILIPINO ka pa din. Pilipino pa din ako. At hindi pwedeng wala tayong gawin para makatulong sa ikabubuti nito. Sa libro ni F. Sionil Jose na PO-ON, tanong ng tauhan na si Istak kay Apolinario Mabini: “Bakit ba ako makikialam sa mga taong hindi parte ng buhay ko, o walang mga nagawa para sa akin? Mayroon akong sariling lupa na inaayos ko. Ang responsibilidad ko ay hindi para sa lupang tinatawag mong Pilipinas. Walang bansa ang magmamay-ari ng aking oras o katapatan. At kung para sa Diyos, napagsilbihan ko Sya sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti sa aking kapwa…” Ang sagot ng Dakilang Lumpo: “ Gawin mo ito dahil kung wala ang bansa, wala ka din. Ang lupang kinatatayuan mo at pinagkukunan mo ng pupuno sa mga pangangailangan mo ay ang nanay na pinagkakaitan mo. Sa kanya babaling ang iyong isipan kahit na ayaw mo; dahil dito ka ipinanganak, dito nakatira ang mahal mo sa buhay at malamang dito rin kayo mahihimlay. Mahalin at protektahan natin sya; tayong lahat− Bisaya, Tagalog, Ilokano, maraming pulo, maraming tribo− dahil kapag kumilos tayo ng sama-sama, tayo’y magiging malakas at sunod doon sya rin ay lalakas. Hindi ko na hihilingin na mahalin mo ang Pilipinas, pinakikiusapan kita na gawin ang tama… gawin ang iyong tungkulin." Tama ang manunulat, wala ng iba pang aayos ng bansa natin kundi tayo rin dahil responsibilidad natin ito sa ayaw man natin o gusto.
Hindi pa huli ang lahat. Kailangan nating matuto sa mga leksyon ng nakaraan. Simulan natin sa mga pang-araw-araw na gawain. Magkaroon tayo ng malasakit sa kapwa. Maiiwasan pa natin ang mga trahedyang. Naniniwala akona nagsisimula pa lang ang lakbayin ng Pilipinas at hindi ako papahuli sa byahe tungo sa magandang bukas nito.